Miyerkules, Hulyo 16, 2014


Mabini Museum

(Apolinario Mabini: Sa Ugoy ng Nasyonalismo)



Reaksyon:

                      “ Ang kapansanan ay hindi hadlang upang tuparin ang tungkulin para sa Inang bansa”. Ang katagang ito ay pumasok sa aking isipan nang bisitahin ko ang museyo ni Apolinario Mabini. Alam nating si Apolinario Mabini ay naging isang lumpo dahil sa pagkakasakit ng “Infantile Paralysis” pero sa halip na manahimik at mawalan ng pag-asa, kasama siya sa mga kilusan tulad ng La Liga Filipina ni Rizal. Hindi man siya kasama sa pakikipaglaban ng mga sundalo, ginamit niya naman ang kanyang talino upang makatulong. Naisip kong si Mabini nga ay may malawak na imahinasyon at paniniwala. Dahil dito, nakapaglimbag din siya ng mga sulatin tulad ng  Pagbangon at Pagbagsak ng Himagsikang Filipino, El Simil de Alejandro, at El Libra.

                    Sa aking paglalakad sa munting museyo ni Mabini, ako’y natuwa sa isang makina kahalintulad niya ang kompyuter kung saan nandoon ang buod ng buhay ni Apolinario sa bawat partikular na taon. Kahit na pangalawang bisita ko na ito mula noong ako’y “High School” pa lang dahil pinagdiriwang ang 150th anibersaryo ni Mabini sa PUP at ang aming paaralan ay isa sa mga naimbitahan, hindi pa rin  mawawala ang pagkamangha ko sa mga naka-display sa museyong ito


Marami din ako doong nakita, mga liham at sulat ni Apolinario Mabini at marami pang iba. Isa sa pumukaw sa aking pansin ay ang “Ratan”. Ako ay nagtaka kung bakit       may ganito, nang mabasa ko ang nakalagay ako’y naliwanagan. Totoo ngang ang ratan na ito ay sumisimbolo ng mga akda ni Apolinario Mabini na nagbigkis sa kaisipang makabayan.        Bukod sa  ratan, nakita ko rin ang “El Gobierno de los Estados Unidos en Filipinas”, isa sa mga sinulat ni Apolinario Mabini noong 1900. Napag-alaman ko ding malawak ang isipan at pananaw ni Apolinario tungkol sa pulitika ng bansa dahil na rin sa mga artikulo at mga isinulat nito.                         
                                             
Isa rin sa nagustuhan ko dito ay ang duyan. Base sa larawan, ito ay ginamit sa pagbuhat kay Apolinario Mabini. Nang maupuan ko ito, parang bumalik ako sa panahong iyon, panahon kung kailan nabubuhay ang ating bayani na si Apolinario Mabini. Nadama ko kung ano ang nararamdaman ng ating bayani habang nakahiga sa duyang ito. Dito,Nakalagay din tala ng mga bagay na sumisimbolo kay Apolinario Mabini tulad nga ng "ratan" na nabanggit ko kanina. Nahiwagaan din ako sa mga nakatala dito, mga katawagan na ibinigay kay Apolinario at marami pang iba.

Sa paglalakad, napadpad ako sa ibang 
dimensyon, “Si Mabini  at ang Digmaang Pilipino-Amerikano”. Ang seksyon na ito ay tungkol sa mga kaganapan sa panahong Digmaang Pilipino –Amerikano. Narito ang mga taong nakasama ni Mabini sa pagsulong ng karapatan ng mga Pilipino. Namangha din ako sa mga nakapaloob dito, mga larawan,petsa, mga hitsura ng pera sa panahong ito. Ganito pala ang hitsura ng lugar noon, kung paano sila manamit, mamuhay. Sadyang napakasimple ang kanilang minimithi at hinahangad. Sa isang maliit na larawan, katabi ko ang mga ilan sa importanteng tao na bumuo sa ating kasaysayan. Pakiramdam ko tuloy totoong nasa tabi ko sila at masuwerte ako’t nasilayan ko ang isang magandang museyo tulad nito, sadyang napakagandang repleka ng kasaysayan para sa aming kabataan.


                     Ang lahat ng ito ay ilan sa aking mga nalaman, napuna at nakalap batay sa aking mga nakita’t nadama sa pagbisita sa Mabini Museum sa loob ng PUP. Hindi man ako naroon sa panahong iyon, sapat nang makita’t masilayan ang mga larawan, artifacts, mga kagamitan at iba pa na patunay sa mga kahanga-hangang ginawa ng ating bayani na si Apolinario Mabini na ilan sa mga dahilan ng pagbabago ng ating kasaysayan at dahilan kung bakit tayo naging malaya ngayon sa kasalukuyan. Dapat nating pahalagahan ang mga nalimbag ng ating mga bayani, dahil sila ang dahilan ng ating pagkalaya. Sinulong nila ang ating karapatan bilang Pilipino. Tulad ni Apolinario Mabini, mamahalin ko din ang aking sariling bansa. Isusulong ko din ang nasyonalismo lalo na sa mga kabataang tulad ko na siyang nasimulan ng ating mga bayani at dapat na ipagpatuloy ngayon sa kasalukuyan.  Sa kabuuan, kasiya-siya ang aking pagbisita sa munting museyong ito. Lubos akong natutuwa dahil pinaunlakan ng nangangalaga dito ang aming pagdalaw kasama ang ilan sa aking kamag-aral sa kabila ng kasalukuyang pag-aayos sa museyong ito. Totoong kami’y namangha sa aming nasilayan. Sadyang kami’y napakapalad dahil isa kami sa nakakita at nakadama ng kasaysayan ng ating bansa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento