SONA 2014
Ni Benigno S. Aquino III, Presidente ng Republika ng Pilipinas
Ni Benigno S. Aquino III, Presidente ng Republika ng Pilipinas
REACTION:
“ The Filipino is
worth dying for”, ika nga ng ating pangulo na si Presidente Benigno Simeon
Aquino III sa kanyang SONA na ginanap sa Batasang Pambansa, Quezon City nitong
Hulyo 28. Ipinahayag niya ang kanyang mga nagawa sa loob ng isang taon at
ngayon ang ika-limang SONA ng ating pangulo na nagbigay ng maraming reaksyon sa
ating mamamayan kasabay ng SONA ng masa o ang tinatawag na totoong SONA ng
sambayanan.
Ang lahat ng ito ay
inia-alay ng ating pangulo sa kanyang “BOSS”
na tumutukoy sa mga mamamayan kaya ang tema ng SONA sa taong ito ay “Para kay Juan, Para sa Bayan”.
Sa panonood ng SONA
ng pangulo, bilang kabataan, nahinuha kong may katotohanan ang mga sinabi ni
PNoy na ang ating bansa ay unti-unting umuunlad sa panahon ngayon tulad sa
panahon ng kalamidad, itinanghal ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may
pinakamabilis na pag-responde at pinakamabilis na maka-recover sa taong ito.
Ilan lamang sa mga patunay nito ay ang mga nangyaring sakuna sa Bohol,
Zamboanga at iba pang lugar. Napansin ko rin ang pag-ayos ng mga imprastraktura
lalo na sa mga nasalantang lugar at mga malalayong lugar tulad ng probinsya. Ipinaayos
ang mga daan at iba pang imprastraktura na makakatulong para mapabilis ang
transportasyon ng bansa. Nakatutuwa ding isipin sa pinahayag ni PNoy na sa
administrasyon niya ay marami nang natapos na proyekto at matatapos pa lamang sa
taong ito sa ilalim kanyang panunugkulan na iniwan at pinabayaan ng mga naunang
administrasyon.
Tulad ni PNoy,
naranasan ko ding mamuno at maging isang lider ng isang organisasyon, tulad ng
kanyang sinabi na para kang nanonood ng “200 channel” sa telebisyon ng
sabay-sabay. Kung iisipin, hindi nga madaling maging isang pinuno sa buong bansa.
Ang paggamit ng DAP o
Disbursement Acceleration Program ay isa sa pinakamalaking bagay bilang patunay
na hindi na muling hahantong ang pondong nalikom ng pamahalaan mula sa buwis ng
mga mamamayan sa mga mapagsamantalang tao na miyembro ng katiwalian. Ilan sa
mga patunay nito ang paggamit ng pondo ng DAP para sa “Scholarship Program”
tulad ng TESDA o Training-for-Work Scholarship Program. Ayon kay PNoy,
nag-ambag ang DAP ng 1.6 billion pesos at nakapagpatapos ng humigit kumulang 146,731
graduates at may trabaho na ngayon. Nakatutuwa ding malaman na napalawak ang saklaw ng serbisyo kaya naman hindi nagtataas
ng buwis. Ang paglalaan ng pamahalaang ng pondo para sa kagamitan ng ating
sandatahang lakas o AFP ay isang mahalagang bagay para mapa-igting ang
seguridad ng mga mamamayan sa loob ng bansa. Ang mga moderno at makabagong
kagamitang ito ay makakatulong para mas mabilis ang pag-responde ng ating mga
kapulisan tulad ng armas o riple, mga helicopter at marami pang iba. Ang
paghahanda ng ating pangulo para sa El Niño ay
makakatulong para sa pamumuhay ng sambayanang Pilipino lalo na pagdating sa
enerhiya at suplay ng katubigan. Marami ding inaprubahang mga proyekto para sa
bansa.
Ilan lamang ito sa mga
ipinahayag ng ating pangulo sa kanyang SONA na tumatak sa aking isipan, ang
lahat ng ito ay kanyang ginawa para sa kabutihang panlahat. Marami din siyang
magagandang nabanggit na napagtagumpayan sa kasalukuyang administrasyon. Layunin niyang
mabigyang ginhawa ang kanyang mga “BOSS”. Sa katunayan, hindi niya nabanggit
ang ilan sa mga kasalukuyang isyu na kinakaharap ngayon ng bansa na hanggang
ngayon ay hindi pa rin nabibigyang solusyon at hindi pa rin natatapos tulad ng
PDAF o ang naganap na Pork Barrel Scam, patuloy na pagtaas ng presyo at marami
pang iba. Dahil dito, nakatanggap ang ating pangulo ng maraming “negative
feedback” mula sa mga mamamayan tungkol sa kanyang SONA at mayroon din namang
ilang positibo.
Para sa akin, ang ating
pangulo ay hindi perpekto ngunit kahit ganoon pa man ay ginagawa niya pa rin ang
kanyang responsibilidad at ang lahat ng kanyang makakaya para sa ikabubuti ng
sambayanang Pilipino. Hindi lang dapat natin tingnan ang mga negatibong bagay,
kundi dapat nating tingnan ang mga positibong nagawa ng administrasyong Aquino
sa mga nakaraang taon hanggang sa kasalukuyan. Tulad na lamang ng mga
“achievements” o tagumpay na natanggap ng ating bansa, mga pagbabago at marami
pang iba. Bilang isang pangulo, hindi naging madaling bigyang solusyon ang mga
problemang kinakaharap ng ating bansa at dinagdagan pa ng mga nakaraang
administrasyon. Kaya bilang isang mamamayan, dapat din nating paunlarin ang
ating mga sarili at magtulungan para sa ikauunlad ng ekonomiya ng ating bansa.